Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsimula nang matanggap ng mga overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho dahil sa nabangkaroteng Saudi Arabian construction companies ang kanilang kompensasyon o bayad.
”Nais ko lang balitaan ang ating mga OFW na galing sa Saudi na patuloy na ang pagbayad ng insurance ng Saudi Arabia sa mga empleyado ng mga kompanyang nabangkarote, nag-file ng claim sa insurance,” saad ng Pangulo sa kanyang mensahe.
Dagdag niya, may kabuuang 1,104 indemnity cheques mula sa Alinma Bank na nagkakahalaga ng P868,740,544 ang naproseso ng Overseas Filipino Bank at Land Bank. Sa nasabing bilang, 843 na ang naayos at naibigay sa kinauukulang OFWs.
“Ang halaga ng mga na-release na tseke is P868,740,544; 1,014 ang na-clear na at credited, ‘yung 843 doon, nabayaran na,” saad ni Marcos.
Sa ginanap na ASEAN-Gulf Cooperation Council Summit sa Riyadh noong nakaraang taon, sinabi ni Marcos na tiniyak sa kaniya ng Kingdom of Saudi Arabia na babayaran ang mga unpaid wages ng mga apektadong OFW.
Noong November 2022, nangako si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman na maglalaan sila ng 2 billion riyals para mabayaran ang unpaid salaries ng nasa 10,000 overseas Filipinos na naapektuhan ng pagsasara ng mga construction companies bunga ng krisis nila sa ekonomiya noon.