Inihayag ng Department of Social Welfare and Development nitong Miyerkules na umabot na sa 1,798 indibidwal na naninirahan sa mga lansangang ng Metro Manila ang kanilang natulungan.
Ang mga natulungang mga street dwellers ay mula sa pag-arangkada ng Oplan Pag-abot program.
Ayon sa datos mula sa ahensya, sa nasabing numero ay 189 dito ang nabigyan ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng DSWD.
Aabot naman sa 607 ang napauwi sa kani-kanilang probinsya sa ilalim naman ng Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa Program.
Pumalo na rin sa 1,185 reached-out individuals na nai-refer sa mga lokal na pamahalaan habang aabot sa 607 ang pansamantalang nananatili sa temporary shelter ng ahensya at mga Residential Care Facilities nito.
Siniguro naman ng DSWD na magpapatuloy ang kanilang reach-out operations sa marami pang lansangan sa NCR.
Tinatarget ng ahensya na matulungan ang mga pamilya na higit apat na buwan nang naninirahan sa lansangan ng Metro Manila.
Samantala, sinimulan na ng DSWD ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga residente at pamilyang naapektuhan ng sama ng panahong dulot ng shear line at ang nanguna sa pamamahagi ng cash aid ang mga tauhan ng DSWD XI-Davao Region.
Ang naturang ayuda ay sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer ng ahensya .
Batay sa datos, aabot sa limang daang pamilya mula sa Barangay Cabayangan sa Braulio E. Dujali, Davao Del Norte ang naabutan ng financial aid.