Nagsanib-puwersa ang Department of Migrant Workers at Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang mas mapalakas pa ang pagbibigay proteksyon sa mga overseas Filipino workers laban sa mga naglilipanang scammers.
Ayon kay DMW OIC Secretary Hans Leo Cacdac, lumalawak na ang ginagawang pananamantala sa mga OFW.
“Dati illegal recruitment lang pero ngayon lumawig na sa human trafficking, lumawig na sa investment scams, consumer fraud. Lilinlangin sila para lang makataga ng pera [ang scammer] and drain their hard earned income and resources,” sabi ni Cacdac.
Lumagda ng memorandum of understanding ang DMW at CICC na may layong tutukan ang cybersafety ng mga OFW upang hindi sila maloko ng mga scammer gaya ng mga nag-aalok ng investment.
“Sa laki ng halaga na pumapasok, maraming butas na puwedeng mapagsamantalahan ang ating mga kababayan,” sabi naman ni Usec Alexander Ramos, executive director, CICC.
Ang mga OFW na naloko o na-scam, maaaring magsumbong sa hotline 1326, at puwede ring i-scan ang QR code para makausap ang kanilang agents na 24/7.
Nang subukan na tawagan ang hotline, kaagad na may sumagot sa inter-agency response center ng CICC. Mula sa naturang tanggapan, susuriin ang sumbong para alamin kung saang cybercrime division ipadadala ang reklamo upang kaagad na maimbestigahan.
Nakapaloob din sa kasunduan na bibigyan ng advance notification at pre-departure orientation ang mga OFW bago umalis.