Nitong mga nakaraang linggo ay may mga naiulat na aksidente sa kalsada na ang mga involved ay ang mga naglilipanang mga e-bikes at trikes na dumadaan sa mga pangunahing kalsada.
Ang mga ganitong klaseng aksidente ay maiiwasan sana kung walang makukulit na nagmamaneho ng mga e-bikes at trikes sa mga lansangan na kung saan humahagibis ang mga naglalakihang sasakyan.
Kaya naman pabor kami sa isinagawang apela ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga lokal na pamahalaan na ipatupad na mahigpit ang pagbabawal sa pagpapadaan sa mga tricycle at pedicab sa national highways.
Kasunod ito ng isang ulat kung saan nagbanggaan ang isang tricycle at isang bus sa isang national highway sa Labo, Camarines Norte.
Base sa datos ng Metro Manila Accident and Reporting System, noong taong 2022 lamang ay aabot na sa 2,829 na mga aksidente sa kalsadang kinasasangkutan ng mga bike, e-bike, at pedicab ang naitala.
Hindi pa kasama rito ang nasa 2,241 na mga road accident na naitala sa kaparehong taon na kinabibilangan naman ng mga tricycle.
Upang maiwasan na ang mga katulad na insidente, naglabas ng memorandum circular 2023-195 ang DILG na naghihikayat sa lahat ng mga local chief executives na muling ibalik ang Tricycle Task Force para mai-update ang Tricycle Route Plan na kinabibilangan ng penal provisions para sa sinumang lalabag sa naturang kautusan.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Abalos na marami pa ring mga lokal na pamahalaan sa bansa ang hindi ipinapatupad ang naturang regulasyon na kadalasang nagreresulta sa buhol-buhol na trapiko sa kalsada na minsa’y nagdudulot pa ng aksidente.
Sang-ayon kami sa tinuran ni Abalos dahil talagang bawal ang mga maliliit na sasakyan sa mga national highways.
Sana lamang ay masunod ito ng mga local government units at sana rin ay maging ang publiko ay dapat nang sumunod sa patakarang ito para na rin sa kaligtasan ng lahat.