Matagal nang sinimulan ng pamahalaan ang paglilinis sa Ilog Pasig. Kada administrasyon at bagong pangulo, may inilulunsad o inaanunsiyong proyekto para linisin ang maitim na tubig ng ilog na dumadaan sa Metro Manila. Hanggang ngayon, inaatupag pa rin ito na tila walang nangyari sa ginawang paglilinis ng mga nakaraang administrasyon.
Sa totoo lang, hindi madali na gawing malinaw at malinis ang tubig sa Ilog Pasig. Kahit may mga pagsisikap na tungo dito noon, kahit anong pamamaraan at gimik, ganoon pa rin ang kalagayan ng ilog, tulad nang dati na marumi at mabaho, dahil patuloy rin naman ang pagdudumi ng mga tao dito. Sa madaling salita, walang disiplina ang mga tao, lalong lalo na ang mga nakatira sa mga gilid-gilid ng ilog.
Para sa administrasyong Marcos, tuloy lang trabaho, tuloy lang ang paglilinis. Ang pokus ngayon ng gobyerno ay pagandahin rin ang paligid ng ilog upang makaakit ng turista, ayon kay Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar.
Nitong Disyembre ay pinasinayaan ni Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza Marcos ang programang “Pasig Bigyang Buhay Muli” na kinabibilangan rin ng pagtataguyod sa ilog bilang ruta sa pagbibiyahe ng mga mamamayan.
Sa ilalim ng programa, magkakaroon ng 25-kilometrong daanan ng mga tao at bisikleta sa kahabaan ng ilog. Magkakaroon rin ng iba pang development malapit sa Pasig River.
Layunin ng PBBM na maging kasing ganda ng Ilog Thames sa London o Seine River sa Paris ang Ilog Pasig. Sa tantiya ni Acuzar, matatapos ang proyekto ng tatlo hanggang limang taon. Popondohan ito ng pribadong sektor.
Ayon naman sa Metro Manila Development Authority na kasama sa pagpapatupad ng nasabing programa, tatayuan rin ng pabahay para sa mga informal settlers at parke ang Ilog San Juan na nakakabit sa Ilog Pasig. Makikinabang ang 3,000 residente sa pabahay habang ang parke sa Barangay Batis ay magiging sentro ng pamamahala ng basura sa kahabaan ng ilog.
Hindi naman aabutin ng siyam-siyam ang pagpapaganda sa Ilog Pasig. Kung nalinis at napaganda na ito, tuloy pa rin ang rehabilitasyon nito nang sa gayon ay mapanatili ang kalinisan at kagandahan nito sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagdidisiplina sa mga tao.