Hinamon ng suntukan ni Magnolia star Calvin Abueva ang forward ng San Miguel na si Mo Tautuaa kahapon pagkatapos ng Game 2 ng dalawang koponan sa kanilang best-of-seven finals series sa Philippine Basketball Association Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena.
Sa isang video sa pasilyo ng Arena na ibinalita sa telebisyon kahapon, makikita si Abueva na sumugod sa pintuan ng dugout ng San Miguel at sumisigaw kay Tautuaa ng: “Hey Mo! Anuhin mo yang asawa mo!
F**k you! Gusto mo sapakan tayo!?”
Sa ulat ng DAILY TRIBUNE, sinabi ng asawa ni Tautuaa na si Aida sa kanyang social media post na ngumisi si Abueva sa kanya nang magkasabay sila papunta sa restroom.
“I had to walk past him to go to the restroom. He smirked at me, nodding his head up and down and said ‘yeaaa’ laughing. I said ‘wtf is wrong with you?’ and kept walking. He walked after me and literally got into my face,” aniya sa post.
Pinabulaanan naman ito ni Abueva.
“Bakit nya ako ginanun? Hinintay ko asawa ko tapos gaganunin nya ako? Bakit nya ako babastusin ng ganun?” pahayag ni Abueva habang kausap ang asawang si Sam, sa kasagsagan ng kumprontasyon. “Nag-smile daw ako sa kanya? Ta***a, sino sya?”
Matapos ang paghahamon niya kay Tautuaa, sinabi ni Abueva sa mga reporter na binastos siya ni Aida habang hinihintay niya ang kanyang pamilya matapos ang laban kung saan natalo ang Magnolia sa San Miguel, 85-109.
“Ewan ko sa kanya. Hinihintay ko yung anak ko and sinabi niya ‘what the f**k are you smiling at?’ Sino ka ba para i-smile ko?” pahayag ng player na dati nang pinagmulta at nasuspinde sa PBA.
Napigilan ng mga security guards at ni coach Leo Austria ng San Miguel si Abueva na sugurin si Tautuaa sa dugout.
Sabi ni PBA commissioner Willie Marcial na iimbestigahan niya ang pangyayari bago niya ipatawag ang dalawang player.
Ayon naman kay Magnolia coach Chito Victolero, kailangan nilang magpokus sa laro dahil dalawang sunod na talo na sila sa kalaban at nahaharap na ma-sweep sa finals.