Dalawang banyagang pugante at isang migrante ang naharang ng mga taga-immigration sa Ninoy Aquino International Airport, pag-uulat kahapon ng Bureau of Immigration.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga pugante na sina Zhao Yaxin, 33, taga-Tsina, at Badr Ettachi, 32, taga-Morocco.
Ayon sa mga ahente ng BI Border Control and Intelligence Unit na humuli kina Zhao at Ettachi, naaresto ang Intsik noong Enero 27 sa NAIA Terminal 3 na sasampa sa eruplanong patungong Guangzhou, China.
Naaresto naman ang Moroccan noong sumunod na araw bago makalipad patungong Singapore.
Sasailalim ang dalawa sa deportation proceedings bilang mga pugante at pagkatapos ay paaalisin sila at pagbabawalang makatunton sa Pilipinas habangbuhay dahil sa pagiging undesirable na banyaga, pahayag ni Tansingco.
Nakadetine sila sa BI Warden Facility in Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sinabi ng commissioner na wanted si Zhao sa kanyang bansa at pinade-deport ng Tsina dahil sa pagkakasangkot niya sa ilegal na online gaming.
Mayroon ding warrant of arrest si Zhao sa Chanqing Hechuan District Public Security Bureau ng China.
Ayon naman sa Interpol, si Ettachi ay hinihinalang tumangay ng $60,000 na pangsahod ng mga tripulante sa United Arab Emirates noong 2017.
Samantala, isang babaeng may alyas na Olive, 33, ay nagpakilalang bagong overseas Filipino worker na unang lilipad patungo sa Saudi Arabia mula sa NAIA Terminal 1, ayon kay Tansingco.
Nang suriin ang record ng babae, may kapareho siyang pangalan na umalis ng bansa noong 2015 at 2019.
Ipinaliwanag ni Olive na siya at ang kapangalan niya ay iisa. Nag-ugat ang magkaibang record dahil aniya sa pagpapapalit niya ng kanyang taon ng kapanganakan noong 2014 sa kanyang birth certificate upang makapagtrabaho bilang katulong sa ibang bansa noon.
Sinabi ni Olive na nagbayad siya ng P1,500 para sa bagong birth certificate ngunit hindi na natuloy ang kanyang aplikasyon at wala na siyang narinig sa kanyang recruiter noon.
Isinangguni ang kanyang kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking na siyang mag-iimbestiga ng kanyang kaso.