Tatlong katao na sakay ng motorsiklo ang nasawi matapos silang sumalpok sa kasalubong na van sa Naguilian, La Union.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Graymark Carpio, Rogen Bicera, at Alyson Madayag, mga residente ng bayan ng Bauang.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Barangay Ortiz, mapapansin na tila may “spark” na nanggaling sa motorsiklo bago sila napunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan nila nakasalpukan ang van.
“Malakas ang bangga, pumutok ‘yung airbag ng van. Hindi niya napansin yung motor, tumatakbo siya sa linya niya [at] bigla na lang sumalpok ‘yung motor,” ayon kay PCMS Raymond Laron ng Naguilian Police Station.
Base sa imbestigasyon, galing sa birthday party ang mga biktima at pauwi na sa Bauang nang mangyari ang trahedya.
Nagbigay na ng tulong pinansiyal ang driver ng van sa mga pamilya ng mga nasawing biktima.
Hinigpitan naman ng pulisya ang patakaran na bawal ang mga motorsiklo sa paggamit ng inner lane sa mga national highways.