Magandang balita para sa mga pasyenteng may malulubhang sakit at kanilang pamilya ang pagtatanggal ng buwis o 12 porsyentong value-added tax sa 21 gamot at pagdagdag ng 32 gamot sa programang Konsulta ng PhilHealth.
Bilang pagpapakita ng malasakit sa mga may karamdaman, idinagdag ng Bureau of Internal Revenue ang 21 gamot sa listahan ng mga gamot na exempted sa EVAT, na kinabibilangan na ng 59 gamot. Ang 21 gamot na nirekomenda ng Food and Drug Administration ay para sa sakit na kanser, diabetes, mataas na kolesterol, altapresyon, sakit sa bato, sakit sa pag-iisip, at tuberculosis.
Taong 2019 nang mag-exempt din ang BIR sa 12 porsyentong VAT sa diabetes, mataas na kolesterol at altapresyon.
Malaking bagay na matanggalan ng buwis ang mga nasabing gamot upang gumaan sa bulsa ang pagbili sa mga ito lalo na sa mga pobreng pamilya. Kung pangmatagalan ang paggamit ng mga nasabing gamot, sadyang mahirap itong bilhin kung kulang ang pera. At kung hindi makabili ng sapat na gamot ang pasyente, mahirap na malunasan ang kanilang karamdaman na maaari pa nilang ikamatay.
Sa panig naman ng PhilHealth, malaking tulong din na damihan pa ang mga gamot na maaaring makuha nang libre o may diskwento ng mga nakarehistro sa kanilang programang Konsultasyong Sulit Tama o Konsulta na para sa mga outpatient o pasyenteng hindi naka-ospital. Ang listahan ng gamot sa Konsulta ay 21 lamang dati.
Ngayon ay nadagdagan pa ito ng mga gamot para sa impeksyon tulad ng azithromycin, cefixime, cefuroxime, clindamycin, clotrimazole, cloxacillin, doxycycline, erythromycin, metronidazole, oseltamivir at tobramycin.
Kasama rin sa 32 dagdag na gamot ang para sa hika at chronic obstructive pulmonary disease tulad ng ipratropium at montelukast. Ang iba ay mga gamot na pang-therapy tulad ng celecoxib, diphenhydramine, elemental iron, folic acid + iron ferrous, ibuprofen, mefenamic acid, naproxen, vitex negundo o Lagundi at zinc. May panlunas din sa dyslipidemia, altapresyon, sakit sa puso at karamdaman sa nervous system.
Sa mga pasyenteng sakop ng Konsulta, libre rin ang konsultasyon, piling pagsusuri sa laboratory o diagnostic test. Kung may libre ring gamot, malaking tulong ito para sa mga pasyenteng kapos sa pera na gumaling at muling maging malusog.