Inihayag ng Davao de Oro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office nitong Biyernes na umakyat na sa anim ang naitalang patay mula sa mga malawakang pagbaha at landslides sa Davao de Oro dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.
Ayon sa mga datos mula sa ahensya, bukod sa mga namatay ay may mga naitala ring sugatan habang isa naman ang kasalukuyan pa ring pinaghahahanap ng mga otoridad.
Mula noong Linggo, aabot na sa 23 mga landslide ang naitala ng mga kinauukulan sa kabundukang ng munisipalidad ng Maragusan kung saan tatlo na ang namatay matapos na matabunan ng lupa.
Batay sa mga ulat, isang lalaki rin ang nasawi sa New Bataan nang dahil pa rin landslide, habang isang babae naman binawian din ng buhay matapos na tangayin ng rumaragasang mataas na tubig baha, at may isa ring lalaki ang nakuryente naman sa laban ng kaniyang binabahang bahay.
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagpapaabot ng tulong ng pamahalaan para sa mga biktima ng naturang kalamidad.
Samantala, patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga indibdiwal na naaapektuhan ng malawakang pagbahang nararanasan ngayon sa Davao City.
Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office, sa ngayon ay pumalo na sa mahigit 8,000 na mga indibidwal ang naaapektuhan ng pagbaha sa 15 mga barangay sa nasabing lungsod na dulot ng low pressure area.
Bilang tugon ay agad na nirespondehan ito ng mga rescue teams gamit ang rubber boats para ilikas ang mga apektadong residente sa mas ligtas na lugar, habang ang iba ay una nang boluntaryong lumikas sa pagsisimula pa lamang ng pagtaas ng baha.
Sa kabilang banda naman ay mayroon ding siyam na mga barangay sa timog na bahagi ng Governor Generoso ng Davao Oriental ang isolated ngayon matapos na gumuho ang malaking tulay doon nang dahil sa walang patid na mga pag-ulan na nararanasan sa lugar na dala pa rin ng LPA.
Ayon sa mga residente, ang tulay na ito ay nagkokonekta sa hilaga at timog na bahagi ng naturang bayan.
Kabilang ang mga Barangay Luzon, Tiblawan, Nangan, Surop, Tagabebe, Pundaguitan, Lavigan, Lanca, Luban, at Cabuaya sa mga apektadong lugar.
Sa ngayon ay tiniyak naman ng pamahalaan na patuloy ang kanilang magiging pagsusumikap na magpahatid ng tulong para sa mga residenteng apektado ng epekto ng masamang panahon.