Isang 41-anyos na babae at isang 17-anyos na binatilyo ang inaresto ng mga otoridad matapos masabat sa kanila sa buy-bust operation ang umano’y higit P1.4 milyong halaga ng shabu sa Navotas City.
Base sa paunang ulat, isinagawa ng mga otoridad ang drug buy-bust operation sa labas ng isang convenience store sa Barangay NBBS, Dagat-dagatan at dumating ang mga target ng operasyon sakay ng tricycle, saka nila nilapitan ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nang magkaabutan na ng droga at pera, doon na pinadapa ng pulis ang mga suspek. Dumayo pa ang mga suspek sa Navotas mula sa Laguna.
Ayon sa Navotas City Police, ang babae ang nagsu-supply ng shabu sa Navotas at Malabon, habang ginagamit niyang kasangkapan ang menor de edad. Nakuha mula sa mga suspek ang nasa 220 gramo ng shabu umano na nagkakahalaga ng mahigit P1.4 milyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa source ng illegal drugs.