Iniulat ng mga otoridad nitong Miyerkules na isang bangkay ng lalaki na walang ulo ang natagpuan sa isang tubuhan sa Sagay, Negros Occidental at batay sa mga ulat, naki-fiesta umano ang biktima at nakipag-inuman bago mangyari ang krimen.
Kinilala ng pulisya nang biktima na si Joel Lacao-lacao, na nakita ang bangkay sa tubuhan sa Barangay Poblacion Dos sa Sagay City noong Linggo at hindi pa rin mahanap ang ulo nito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo sa fiesta at nakipag-inuman ang biktima at madaling araw na umano ito nang umalis sa inuman para umuwi ngunit hindi na siya nakarating sa kaniyang bahay.
Inaalam na ng mga otoridad kung sino ang mga huling nakasama ng biktima, maging ang kaniyang mga nakainuman.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.