Sa pananakop ng Tsina ng teritoryong tubig ng Pilipinas, tanging ang 24/7 na pagbabantay ng sariling karagatan ang makakapagsiguro na mananatiling atin ang West Philippine Sea. Ngunit sa sobrang lawak ng babantayang dagat, kailangan ng maraming coast guard at tauhan ng hukbong pandagat, pati na mga barko, drone at helicopter, para sa pagpatrolya nito. Lalo pa’t panay ang panghihimasok ng mga Chinese coast guard sa WPS at naghahari-harian doon.
Kung kulang pa ngayon ang bilang ng coast guard para sa bantay-dagat, kung kaya naitataboy ng mga Intsik ang mga mangingisdang Pilipino sa may Ayungin Shoal, maling ideya ang pagtatalaga ng mga coast guard bilang katulong sa paghuli ng mga kolorum na jeepney.
Nagkasundo na umano ang Land Transportation Office at PCG na ipatupad ang regulasyong “No Registration, No Travel” para sa mga pampasadang jeepney at iba pang sasakyang pampubliko sa Metro Manila. Nais rin umanong tulungan ng LTO ang mga lehitimo o rehistradong pumapasada na labanan ang mga hindi rehistradong jeepney at operator na kumakain ng kanilang kita sa pasada.
Ito na rin ang paraan upang ang mga hindi rehistrado at magrehistro na alinsunod sa patakaran ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Ayon sa LTO, may 32,370 sasakyang de motor ang delingkente o hindi rehistrado sa Metro Manila at 22,729 naman sa Rehiyon 7.
May nahuli at na-impound namang 1,966 sasakyan mula Enero 1 hanggang 23. Kabilang rito ang 1,735 motorsiklo.
Katulong na ng LTO ang kapulisan sa paghuli ng mga kolorum o hindi rehistradong sasakyan. Ngunit tila kulang pa sila kaya isinama na pati mga coast guard. Kung kulang na kulang ang tauhan ng LTO sa paghuli ng mga kolorum na sasakyan, bakit hindi na lang dagdagan sila nang sa gayon ay magawa naman ng coast guard ang tungkulin nila.
Mas kailangan ang mga coast guard sa pagbabantay ng ating karagatan at paghuli ng mga nanghihimasok dito. Baka naman dumating ang araw na nahuli nga nila ang lahat ng kolorum ngunit mga mangingisdang Intsik na ang nanghuhuli ng isda sa WPS imbes na mga mangingisdang Pilipino.