Umaasa pa rin si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na muling makakabalik si Justin Brownlee at makakakuha ng green light upang maisama sa roster ng Gilas Pilipinas sa mga pangunahing internasyonal na torneo.
Sinabi ng 66-anyos na si Cone na nananatili siyang optimistic na magiging available si Brownlee sa pagharap nila sa Hong Kong sa Pebrero 22 at Chinese Taipei sa Pebrero 25 sa FIBA Asia Cup Qualifiers.
Si Brownlee ay nagsilbing tagapagligtas ng Gilas Pilipinas nang ibigay niya ito sa isang makasaysayang gintong medalya sa 19th Asian Games noong nakaraang taon.
Ngunit panandalian lang ang selebrasyon matapos siyang magpositibo sa ipinagbabawal na substance na may kaugnayan sa cannabis. Bagama’t wala pang desisyon ang International Basketball Federation, pinili ng 35-anyos na si Brownlee na manatili sa United States at hindi nakapasok sa Philippine Basketball Association Commissioner’s Cup.
Sinabi ni Cone na inaasahan nilang lalabas ang desisyon ng FIBA sa lalong madaling panahon.
“We’re hoping their (FIBA) decision will come down sometime this week and that it will hopefully free him up for the window on the 22nd,” saad ni Cone. “Justin Brownlee’s going to be our naturalized player if everything works out with FIBA.”
Bukod kay Brownlee, bahagi rin ng Gilas pool ang mga PBA players na sina Scottie Thompson, Chris Newsome, Calvin Oftana, CJ Perez, Jamie Malonzo at June Mar Fajardo gayundin ang Japan B. League cagers na sina Dwight Ramos, AJ Edu, Kai Sotto at Carl Tamayo.
Bahagi rin ng koponan ang De La Salle University star na si Kevin Quiambao.
Sinabi ni Cone kung sakaling makakuha si Brownlee ng hindi kanais-nais na hatol, wala silang magagawa kundi gumawa ng ilang mahahalagang pagsasaayos.
“We’re confident that Justin will be there. It’s not a lock but we’re confident that he’ll be there. And if necessary, we’ll adjust,” sabi ni Cone.