Iginiit ni Vice President Sara Duterte nitong Martes na hindi umano niya nakausap ang kanyang kapatid na si Davao Mayor Sebastian Duterte kaugnay sa naging panawagan ng alkalde na magbitiw na sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay VP Sara, naniniwala siyang ang mga naging pahayag ng alkalde ay nagmumula sa pagmamahal ng isang kapatid na pareho sa sentimyento na hindi umano niya deserve ang hindi kanais-nais na mga pagtrato na natatanggap ng Bise-Presidente mula sa ilang sektor na nakapalibot sa Pangulo.
Nilinaw rin ni VP Sara na sa kabila nang mga pagbatikos sa kanya, hindi umano siya panghihinaan ng loob sa anumang atake, black propaganda, paninirang puri at iba pang hamon na ibinabato sa kaniyang pagkatao at mananatiling tapat sa kaniyang tungkulin bilang kalihim ng Department of Education, maliban na lamang kung bawiin ito ni Marcos.
Kung matatandaan, sinabihan ni Mayor Baste Duterte si Marcos sa kaniyang naging talumpati sa Davao City nitong Linggo na magbitiw kung hindi nito mahal o walang aspiration para sa bansa.
Sinabihan din niya ang Pangulo na tamad at walang awa. Mas inuuna umano ng Pangulo ang pulitika at ang sariling preserbasyon ng kanilang pulitikal na buhay sa halip na unahin ang kanilang trabaho.