Sinalakay ng mga ahente ng Israel na nagpanggap bilang mga kawaning pang-medikal ang isang ospital sa West Bank kahapon at binaril ang tatlong Palestinong pinaghihinalaang mga teroristang Hamas.
Nakita ng isang photographer ng Agence France-Presse ang isang butas ng bala sa isang unan na puno ng dugo kasunod ng pagsalakay sa Ibn Sina Hospital sa hilagang lungsod ng Jenin, kung saan nagtipon ang mga Palestino sa paligid ng mga bangkay ng mga napatay.
Sinabi ng militar ng Israel na pakay ng mga pumasok na ahente nito sa ospital na may katabing kampo ng mga bakwit ang isang “selula ng terorista ng Hamas.”
Ang CCTV footage na sinasabing mula sa ospital ay nagpapakita ng maraming armadong lalaki at babae, na nakasuot ng unipormeng medikal o sibilyan, na gumagalaw sa mga ward.
Ang video — na hindi agad masuri ng AFP — ay nagpapakita sa kanila na gumagamit ng baby carrier at wheelchair bilang props.
Sinabi ng direktor ng ospital na si Naji Nazzal sa AFP na gumamit sila ng mga armas na nilagyan ng mga silencer.
Sa loob ng ospital, nakita rin ng photographer ng AFP ang dugo sa banig at upuan, at tumalsik sa dingding.
Pinangalanan ng opisyal na Palestinian news agency na Wafa ang tatlong lalaking napatay na sina Muhammad Jalamnah, Muhammad Ayman Ghazawi at Basel Ayman Ghazawi.
“Ang operasyon ay isinagawa sa rehabilitation ward ng ospital kung saan si Basel Ghazawi ay sumasailalim sa paggamot,” sabi ng direktor ng ospital.
Ayon sa hukbo ng Israel, si Jalamnah ay isang “terorista” kasama ang militanteng grupong Hamas na nagtatago sa ospital. Dalawang iba pang “terorista” na nagtatago rin sa loob ay “neutralized” kasama niya.
Si Jalamnah ay kilala sa pamamahagi ng mga armas at bala para gamitin sa mga pamamaril, sinabi ng hukbo ng Israel.
“Plano niyang magsagawa ng atake at ginamit ang ospital bilang isang taguan,” dagdag nito,
Nasa ilalim ng Israel ang West Bank mula nang matapos ang digmaan ng mga Israeli at Arabo noong 1967 at pinalakas ng kanilang military ang mga pagsalakay sa mga bayan at lungsod ng teritoryong Palestino mula noong Oktubre 7.
Umatake ang mga teroristang Hamas sa Israel noong Oktubre 7 na nauwi sag digmaan laban sa Hamas at paghihigpit ng seguridad sa West Bank na humantong sa pagkakapatay ng 370 Palestino ng mga sibilyan at tropang Israeli, ayon sa health ministry sa Ramallah.