Isang pulis ang nasawi habang sugatan naman ang isa niyang kasamahan nang salpukin ng isang pick-up truck ang puwesto ng kanilang police checkpoint sa Silang, Cavite nitong Linggo.
Batay sa mga ulat, sinabing nangyari ang insidente sa Aguinaldo highway sa bahagi ng Barangay Tubuan-Dos dakong 3 a.m. nitong Linggo.
Kinilala ang nasawi na si Patrolman John Carl Austria Delyola, na nakaladkad pa ng pick-up truck na lasing umano ang nagmamaneho.
Miyembro si Delyola ng 401st A Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion CALABARZON,
“Mabigyan po hustisya pagkamatay ng anak ko. Talagang hindi po namin matanggap,” ayon kay Ariel na ama ng biktima.
Sugatan naman sa naturang insidente si Police Corporal Adriene Atienza.
Naaresto ang driver ng sasakyan na kinilalang si Jemuelle Bernardo Belen at lumilitaw sa imbestigasyon na lasing ito nang mangyari ang insidente, ayon kay Police Lieutenant Colonel Louie Gonzaga, hepe ng SIlang police.
Napag-alaman din na nasangkot na sa katulad na insidente ang suspek noong 2021.