Hinamon ni House Speaker Martin Romualdez sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte na patunayan ng mga ito ang kanilang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Romualdez, maaaring ang mga sinabi ng mag-amang Duterte sa ginaganap na rally sa Davao City noong Linggo ng gabi ay “budol-budol stories” nanaman.
Kung matatandaan, nanawagan si Mayor Duterte kay Marcos na bumaba sa puwesto, habang sinabi naman ng dating Pangulo na nasa narco-list umano si Marcos ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Itinanggi na ng PDEA na nakasama ang Pangulo sa drug watch list nito at kahit kailan umano ay hindi nasama si Marcos sa naturang listahan.
“Sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente tsaka sa pamilya n’ya. Noong panahon ng rehimen n’yo, iginalang naman kayo,” sabi ni Romualdez.
“Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Speaker Romualdez na walang katotohanan ang mga alegasyong binitiwan ng dating Pangulo.
Iginiit pa ni Romualdez na masipag at popular na Pangulo si Marcos habang si Duterte ay nahaharap naman sa mga akusasyon kaugnay ng uri ng ginawa nitong pamumuno.