Kalaboso ang isang 50-anyos na lalaki nang halayin umano nito ang isang 12-anyos na babae sa Barangay 118, Tondo, Maynila kamakailan.
Batay sa mga ulat, sinundo umano ang batang babae ng dalawang babae sa kanilang bahay at saka siya inihatid sa bahay ng suspek, kung saan nangyari ang panghahalay kapalit ng P200.
“Itong bata ho, na-contain siya sa loob ng kwarto . Also in her revelations na kapag ho siya’y tumututol o pumapalag po, sinasampal po siya ng cellphone,” ayon kay PLtCol. Emmanuel Gomez, Station Commander ng Baseco Police Station.
“According po sa further investigation, hindi po gaano develop ‘yung kanyang pag-iisip at her age,” dagdag pa niya.
Nagkaroon naman ng pagkakataon na makatakas ang biktima nang balikan siya ng isa sa mga babaeng nambugaw umano sa kanya.
Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis kung saan natunton ang suspek na natutulog noon sa kanilang bahay.
“Na-surprise natin siya doon and immediately, handcuffed by our arresting officers,” sabi ni Gomez. “Ito pong batang ‘to, pina-examine po natin and it turned out na talagang itong bata ay biktima po at nahalay.”
Depensa naman ng suspek, hindi niya pinilit ang bata at higit dalawang buwan na umano silang may relasyon.
“Live in kami nun. ‘Yung katagalan sa pagsasama namin, nahulog din ang loob ko sa kanya… Hindi ko siya pinilit. Kagustuhan talaga niya na magsama kami,” sabi ng suspek na mahaharap sa mga reklamong statutory rape at paglabag sa Child Abuse Law.