Inihayag ng Department of Foreign Affairs na nananawagan ito sa mga overseas Filipino workers na maging aktibo umano sa mga komunidad nila sa ibang bansa at hinimok nito ang mga OFWs na mag-boluntaryo tuwing may krisis at kalamidad bilang pasasalamat na rin umano sa bansang tumanggap sa kanila.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, diaspora volunteerism ang tawag rito dahil malaki umano ang presensiya ng mga Pilipino sa iba’t ibang bansa.
Dagdag pa niya, mainam din daw na ang mga Pilipino sa ibang bansa ay hindi lamang nandoon para magtrabaho bagkus ay maging regalo sa bansang kanilang pinagta-trabahuhan at maging instrumento ng kapayapaan sa mundo.
Ayon sa huling ulat ng DFA sa Kongreso, mayroon ng higit 10.8 million na Pilipino ang nangibang-bansa para magtrabaho.
Isa ang Pilipinas sa world’s largest exporters of labor employed lalong-lalo na sa industriya ng manufacturing, construction, at seafaring.