Isang residente sa Maynila ang tila pinagbagsakan ng langit at lupa nang makita ang kanyang electric bill dahil umabot ito sa higit P134,000 gayung putol na ang kanilang kuryente mula pa noong pandemic dahil hindi sila makapagbayad.
Ayon sa residente, hindi na sila makabayad noon ng kanilang electric bill na umabot ng P9,000 sa kanilang tahanan sa Gawad Kalinga Village sa Baseco Compound kaya sila naputulan.
Dagdag nito, nakikigamit na lamang sila ng kuryente sa kanilang kapitbahay na kamag-anak para mapagana ang dalawang ilaw at isang maliit na electric fan.
Pero bago pa nila ang natanggap na P134,000 na bill sa kuryente, may dumating din sa kanilang bill para sa buwan ng Agosto noong nakaraang taon.
“P24,000 po. Bigla na lang po itong sumulpot ‘yung last year, mga September. Bakit kami magkaka-bill eh matagal nang putol ‘yung kuryente?” saad ng residente.
Dahil dito, agad na dumulog ang ginang sa Meralco, at pinangakuan sila na titingnan ang problema.
Base sa bill ng Meralco, muling gumana ang kaniyang metro mula Agosto. Ipinagtataka niyang bukod sa hindi ginamit, masyadong malaki ang konsumo.
Nangako ang Meralco na masusi nilang iimbestigahan ang reklamo at makikipagtulungan sa residente para maiayos ang kanilang billing.