Pangmalakasan ang panawagan ng mga TimPoch fans na karapat-dapat may ikalawang kabanata ang dalawang katauhan na binigyang buhay nina Zaijan Jaranilla at Miggy Jiminez sa pangmalakasan at katatapos lamang na teen-drama, ang “Senior High.”
Ending with a high at positive note kasi ang tambalan dahil nga pareho na silang nakapagtapos, valedictorian pa nga ang Tim ni Jaranilla. Hindi na rin lilipad papuntang Estados Unidos ang Poch ni MIggy. At ang deklarasyon ng kanilang pagmamahalan para sa isa’t-isa, busilak at wagas ang datingan sa totoo. Malutong na “I love you” ang kanilang mga sinambit, may malambing pa nga at ma-respetong halik sa noo si Poch kay Tim at ang mga yakapan nila, ang higpit, huh!
Ang daming pinasaya at pinakilig ng kwento na pinagsaluhan nina Zaijan at Miggy kaya nga unawang-unawa kung bakit may pangmalakasang ituloy ang kwento nina Tim at Poch. O kaya ay may BL romantic drama na talaga silang pagtambalan na bago.
Sa totoo lang dahil sa TimPoch, at sa mahusay na pagganap nina young masters Jaranilla at Jimenez, hindi pala dapat tuldukan at lagyan ng tandang pandamdam ang BL genre sa merkado. Buhay na buhay pa rin ito at para ma-sustain ang pagiging pwersa nito, dapat eh mga engaging at relatable na kwento at mahuhusay na aktor na nag-uumapaw ang chemistry para dalang-dalang at nararahuyo ang manonood.
Kaya, sige na po, ihatag na ang susunod na kwento at mga katauhang bibigyang buhay nina Zaijan Jaranilla at Miggy Jimenez.
***
Kahit hindi naman sila BL pair, marami ang natutuwa na sa artistic collaboration nina JK Labajo at Kyle Echarri, ang Visayan song na ang pamagat ay “Kasing-Kasing.”
Mapapanood ang lyric video nito at marami ang natutuwa sa desisyon nina Labajo at Echarri na sa wikang Bisaya ang letra ng kanta. Feel good at masarap sa tenga ang awit. Umaasa ang mayorya ng mga mahilig sa musika na pag may opisyal na itong video, ay may Filipino at English subtitles ito para mas higit pang maunawaan ang “Kasing-Kasing.”
Kitang-kita rin sa lyric video ang hindi maitatangging brotherhood at fellowship nina JK at Kyle. “Baby boy” ang tawag ni Labajo sa kanyang matalik na kaibigang si Echarri.
Parehong nagsimula bilang mga batang mang-aawit at kontesero sa “The Voice Kids” ang dalawa bagamat hindi sila magka-batch. Sa unang season kasi si JK, kung saan ang grand winner ay ang dalaga na rin ngayong si Lyca Jane Gairanod. Ang season two winner naman, na batch ni Kyle, ang major winner ay si Elha Mae Nympha, na isa na ring blossoming powerhouse female chanteuse sa kasalukuyan.
Lahat ay nanalig na ang kauna-unahang song collaboration nina JK Labajo at Kyle Echarri ay siksik, liglig at umaapaw ang tagumpay.
***
Habang may isang PPop band na sinisi ang lahat, maliban sa kanilang mga sarili at pamunuan, kung bakit tila nabantilawan ang pagtaas ng kanilang estrella at karera, ang Southeast Asian Pop Superstar Group, ang SB19, mga alamat ng orihinal na musikang Pilipino ang patuloy ang papuri at paghanga.
Sa Ekis, bumulaga ang isang bidyo panayam kay rap master Gloc 9, na pangmalakasan ang paghanga sa galing, talento at professionalism ng Mahalima.
Ang nag-iisang Mister Pure Energy, muling inalabas ang bidyo panayam kung saan sinasabi ni Gary Valenciano na kung may kanta siyang wish niya ay siya ang sumulat, ito ay ang worldwide hit na “Gento.”
May dalawang kasali rin at Team, na patuloy ang appreciation at hindi makapaniwala na nakasama nila sina John Pablo Nase, Josh Cullen Santos, Justin De Dios, Ken Suson at Stell Ajero, sa AAA para magsanib pwersa sa “Gento”.
Naku, naku, naku, kaya yung nagdradrama at nagpapa-awa ng PPop group diyan, sana may matutuhan kayo sa galawan, talento, dedikasyon, at kababaang loob ng SB19, huh!