Siyam na militanteng Islamista, kabilang ang tatlong suspect sa pambobomba ng isang misa sa Mindanao, ang napatay sa isang sagupaan sa mga tropa, pahayag ng Sandatahang Lakas kahapon.
Nangyari ang engkwentro ng mga sundalo ng Army at humigit-kumulang 15 na miyembro umano ng teroristang grupo ng Dawlah Islamiyah na nagtatago sa isang bukid sa bundok malapit sa liblib na katimugang munisipalidad ng Piagapo noong Huwebes, ayon sa kumander ng yunit ng militar.
Apat na sundalo ang nasugatan sa bakbakan, kabilang ang dalawa na dinala sa ospital na may “malubhang” sugat, sinabi ni Brigadier-General Yegor Rey Barroquillo sa Agence France-Presse.
Aniya, tatlo sa anim na hinihinalang nambomba sa isang paaralan sa katimugang lungsod ng Marawi noong nakaraang buwan ay kabilang sa mga napatay.
“Sa siyam, tatlo ang may direktang partisipasyon sa MSU bombing,” sabi ni Barroquillo, na tinutukoy ang pagsabog noong Disyembre 4 sa Mindanao State University na ikinasawi ng apat na tao at ikinasugat ng dose-dosenang Katoliko.
Sinabi ni Barroquillo na tumakas ang tatlo pang suspect sa pambobomba kabilang ang umano’y mastermind, isang dating estudyante sa unibersidad na may alyas na “Engineer.”
Ang Army Scout Rangers, na sinanay sa jungle combat, ay gumapang hanggang sa isang kumpol ng mga bukid sa bundok kung saan ang mga terorista ay nagtatago upang iwasan ang mga tumutugis sa kanila.
“Anim na (terorista) ang nakatakas at sa aming pagtatasa ay kasama sa kanila ang Engineer,” sabi ni Barroquillo.
Idinagdag ng kumander na umalis ang mga magsasaka sa lugar ng sagupaan noong nakaraang buwan pagkatapos dumating ang mga armadong lalaki.
Ang mga pag-atake sa mga bus, simbahang Katoliko at pampublikong pamilihan ay naging tampok ng ilang dekadang kaguluhan sa timog.
Nilagdaan ng Maynila ang isang kasunduan sa kapayapaan kasama ang pinakamalaking grupo ng rebelde sa bansa, ang Moro Islamic Liberation Front, noong 2014, na nagwakas sa kanilang armadong rebelyon.
Ngunit nananatili ang mas maliliit na grupo ng mga Muslim na mandirigma na sumasalungat sa kasunduan sa kapayapaan, kabilang ang mga militanteng nagpahayag ng katapatan sa grupo ng Islamic State.