UMALMA ang mga tagahanga ni Taylor Swift pati mga pulitiko sa mga pekeng pornograpiyang mga larawan ng Amerikanang megastar na kumalat at naging viral sa X at iba pang social media sites.
Isa sa mga larawan ni Swift ang nakita ng 47 milyong beses sa X, ang dating Twitter, bago ito tinanggal noong Huwebes, pag-uulat ng Agence France-Presse. Ayon sa mga media, ang post ay live sa plataporma nang humigit-kumulang 17 oras.
“Nakakabahala,” pahayag ng White House Press Secretary na si Karine Jean-Pierre, nang tanungin tungkol sa mga imahe.
Babala ni Jean-Pierre na may katumbas na epekto ito sa mga kababaihan at sa mga batang babae na pinupuntirya ng mga manliligalig sa online.
Mga deepfake na porno o gawa ng artificial intelligence ang mga larawan ng celebrity.
Ang X ay isa sa pinakamalaking plataporma para sa mga pornograpiyang content o video sa mundo, ayon sa mga manunuri, dahil ang mga patakaran nito sa kahubaran ay mas maluwag kaysa sa Facebook o Instagram.
Sa isang pahayag, sinabi ng X na “mahigpit na ipinagbabawal ang pag-post ng Non-Consensual Nudity na mga larawan sa X at mayroon kaming zero-tolerance na patakaran sa naturang content.”
Sinabi ng platapormang pag-aari ni Elon Musk na “aktibong inaalis nito ang lahat ng natukoy na larawan (ni Swift) at nagsasagawa ng mga naaangkop na aksyon laban sa mga account na responsable sa pag-post ng mga ito.”
Ito rin ay mahigpit na sumusubaybay sa sitwasyon upang matiyak na ang anumang karagdagang mga paglabag ay agad na matugunan, at ang bawal na imahe ay maalis.
Gayunpaman, ang mga larawan ay patuloy na magagamit at ibinahagi sa Telegram na ibang plataporma.
Ang mga kinatawan ni Swift ay hindi tumugon sa kahilingan ng AFP na magkomento.
Bago ang pagkalat ng mga porn na larawan ni Swift, naging laman din siya ng mga pekeng video kung saan ipinapakita siyang nagpo-promote ng mahal na cookware mula sa France.