Barya lang sa umaga. Isa yan sa mga sikat na mga slogan na makikita sa karatula sa loob ng mga jeepney na pumapasada sa Metro Manila. Ibig sabihin nito ay magbayad ang mga pasahero ng maliliit na halaga ng pera o barya sa halip na P500 o P1,000 dahil wala pang pansukli ang mga tsuper na kauumpisa pa lamang pumasada.
Subalit may bihirang pagkakataon na nagreklamo ang tsuper sa bayad sa pamasahe na tig-25 sentimo. Barya naman ito na mas maliit sa mamiso pero tila asiwang tumanggap ang mga tsuper nito.
Wala na nga halos nagsusukling tsuper ng jeepney at nagbabayad na pasahero niya ng tig-25 sentimo na barya.
Pinakamaliit na barya na ginagamit sa pagbabayad sa jeepney ay piso.
Marahil ay dahil sa abala sa mga tsuper ng jeepney ang pagbibilang ng ganoong barya.
Hindi dapat magreklamo ang mga tsuper sa nagbabayad sa kanila ng 25 sentimo dahil lehitimong pera pa rin ito. Kahit karaniwang panukli na lamang ito sa mga supermarket para sa mga biniling groserya, hindi ibig sabihin na hindi na ito pwedeng ipambayad sa ibang tindahan o bilang pamasahe. Hindi ito bawal na pera.
Kung barya ang nais ng mga tsuper ng jeepney na ibayad sa kanila, dapat ay tanggapin nila ang 25 sentimong bayad at hindi lamang ang piso, limang piso, sampung piso at benteng piso.
Kailangang ipaalala ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa publiko na lehitimong pambayad ang 25 sentimo at hindi maaaring tanggihan ng mga naniningil. Dapat ay maglabas sila ng notisya sa social media, dyaryo, telebisyon at radyo ng patalastas ukol dito nang sa gayon ay maiwasan rin ang bangayan sa loob ng mga pampublikong sasakyan tulad ng jeepney.
Kung naglalabas ng patalastas ang BSP kapag may bagong pera o may mapapasong denominasyon ng pera, marapat lamang na maglabas din ito ng mga paalala sa paggamit ng mga barya tulad ng 25, 10 at 5 sentimo, ultimo mamera o isang sentimo.
Sa mga nagbabayad at nagsusukli naman ng mga perang papel na gutay-gutay na at halos burado na, huwag na itong gamitin at sa halip ay ipalit sa mga bangko. Ang ganitong klaseng gamit na gamit na perang papel ay pinag-uugatan rin ng awayan sa loob ng jeepney sa pagitan ng tsuper at pasahero.