Napantayan ni Luka Doncic ang pang-apat na pinakamataas na scoring sa kasaysayan ng National Basketball Association noong Biyernes nang tumira siya ng 73 puntos para pangunahan ang Dallas Mavericks sa 148-143 tagumpay laban sa Atlanta Hawks.
Ang Slovenian player ay nagtala ng Mavs record na 41 first-half points. Binura rin niya ang sarili franchise scoring record na 60 puntos na naitala laban sa New York Knicks noong 2022.
Nagdagdag si Doncic ng 10 rebounds at pitong assists sa kanilang panalo. Pasok ang 25 sa 33 niyan tira, kabilang ang walong three-pointers, at ipinasok rin ang 15 sa kanyang 16 free throws.
Mismong si Doncic ay nagsabing hindi makapaniwala sa nagawa matapos ang tatlong sunod na talo ng kanyang koponan.
Sinira ng kanyang kahindik-hindik na laro ang pagbabalik ni Trae Young mula sa injury, na nanguna naman sa scoring ng Hawks na may 30 puntos.
Tanging sina Wilt Chamberlain at Kobe Bryant ang nakapuntos ng mas marami sa 73 sa isang laro. Ginawa ni Chamberlain ang rekord sa liga na 100 punto noong 1962 samantalang ang yumaong Lakers star na si Bryant ay tumira naman ng 81 noong 2006.
Nagmamay-ari din si Chamberlain ng 78-point performance at dalawa sa 73 — isang numerong naabot din ni David Thompson at, ngayon, ni Doncic.
Napakaespesyal na pakiramdam rin para kay Doncic na magawa ang 73 puntos sa ika-apat na anibersaryo ng pagkamatay ni Bryant sa isang aksidente sa helicopter.
Si Josh Green, na umiskor ng 21 puntos para sa Mavs, ay nagsabing hindi pa siya nakakita ng katulad nito.
“Parang ako ay nasa isang (video) na laro ng 2K,” sabi niya. “Kung sino ang kumokontrol kay Luka ay gumawa ng magandang trabaho, sasabihin ko sa iyo iyon.”