Tutungo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vietnam sa susunod na linggo para sa isang state visit na may layong talakayin ang isyu sa agricultural cooperation, trade, at ilang mahahalagang regional and international issues.
Ayon kay Department of Foreign Affairs spokesperson Ma. Teresita Daza, kasama ng Pangulo si First Lady Liza Marcos, ang economic team at ilang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nitong nakaraan kasi ay naimbitahan ni Vietnamese President Vo Van Thuong ang Pangulo na siyang magiging unang biyahe nito sa nasabing bansa simula noong umupo ito sa puwesto noong 2022.
Makikipagpulong rin umano si Marcos sa mga lider ng Vietnam gaya nina Vietnamese Prime Minister Pham Minch Chinh at Vietnamese National Assembly Chairman Vuong Dinh Hue kung saan inaasahang tatalakayin ang pagpapalakas ng relasyon at pagpapalalim ng kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam.
Nakatakda din makipagpulong ang Pangulo sa Filipino community sa Vietnam kung saan tinatayang umaabot sa 7,000 na mga nagtatrabaho at naninirahan sa Vietnam.
Samantala, inihayag naman ni Foreign Affairs Assistant Secretary Aileen Mendiola-Rau ng DFA Office of the Asian and Pacific Affairs na magkakaroon ng malalimang pag-uusap ang Pangulo sa agricultural cooperation sa Vietnam.
Ayon kay Rau, mahalaga ang nasabing state visit ng Pangulo para bigyang diin ang kahalagahan ng ASEAN centrality.
Ang Vietnam ang sole strategic partner ng Pilipinas sa ASEAN region.
Ibinahagi rin ni Rau na target ng Pilipinas at Vietnam na mapalawak ang mapalawak ang halaga ng kanilang bilateral trade sa $10 billion sa mga susunod na taon.