Isang cardinal sa Canada ang inakusahan ng pangmomolestiya ng babaeng teenager, batay sa kopya ng demanda ng ilang biktima laban sa arsobispado ng Quebec na ipinakita ng korte nitong Huwebes.
Kabilang ang 66-anyos na si Cardinal Gerald Lacroix sa class action lawsuit kung saan pinaratangan siya ng pang-aabuso mula noong 1987 at 1988 at nambiktima ng isang 17 anyos na babae, ayon sa abogado ng mga nagdemanda ba si Alain Arsenault.
Sinabi ni Arsenault na ang mga biktima ay mas malayang magsalita, at ang mga akusado ay “naprotektahan sa loob ng mahabang panahon.” Inaasahan rin niyang mas maraming biktima ang lalapit at sasali sa demanda.
Si Lacroix, na malapit kay Papa Francis, ay naging arsobispo ng Quebec mula noong 2011 at naging kardinal mula 2014. Naglingkod siya mula noong nakaraang taon sa konseho ng mga tagapayong kardinal ng papa, na regular na nagpupulong sa Vatican.
Ang legal na aksyon na isinampa noong 2022 ay nagtatampok ng testimonya ng 147 katao na nagsasabing sila ay sekswal na inabuso ng higit sa 100 mga pari sa arsobispado. Ang ilan sa mga akusado ay mataas ang ranggo na klero, sinabi ng opisina ni Arsenault sa isang pahayag .
May bagong pagsasampa na idinagdag ng 46 na biktima kung saan pinangalanan ang higit sa isang dosenang mga bagong suspek.
Sa orihinal na kaso, si cardinal Marc Ouellet ay inakusahan ng sekswal na pang-aabuso sa isang babaeng intern mula 2008 hanggang 2010.
Si Ouellet, na patuloy na itinanggi ang tinatawag niyang paninirang-puri na mga paratang ay nagbitiw noong Enero 2023 sa kanyang posisyon sa Vatican dahil sa kanyang edad.