Isang walong-taong gulang na batang lalaki ang nasawi habang nasa ospital sa General Santos City matapos na bugbugin umano kaniyang sariling ama.
Batay sa mga ulat, lagi umanong sinasaktan ng suspek ang mga anak nito sa tuwing nalalasing.
Base sa imbestigasyon, Martes ng madaling araw nang bugbugin sa kanilang bahay ang biktima sa Barangay Fatima ng suspek na kinilalang si Roy Canlaon Jr.
Nasa Maynila naman ang ina ng mga bata para asikasuhin ang planong pangingibang-bansa para magtrabaho.
Dahil sa nangyari, umuwi na ang ginang upang asikasuhin ang labi ng kaniyang anak.
Ayon sa isa sa tatlong kapatid ng biktima, unang binugbog ng kanilang ama ang kanilang bunsong kapatid na babae, at isinunod nito ang biktima na siyang napuruhan.
“Dahil daw sa kaniyang kalasingan ‘di niya daw alam ang kaniyang ginagawa so ‘yon ang allegation niya. ‘Yon din ang pagkasabi ng mga batang kapatid.. binagsak daw,” saad ni Police Major Wesley Matillano, Station Commander, Police Station 7, General Santos City Police.
Nagtamo ang biktima ng mga pasa at bali sa katawan at kahit nadala pa ang biktima sa ospital ay binawian din ng buhay nitong Huwebes ng madaling araw.
Samantala, nakakulong na ang suspek na labis ang kaniyang pagtangis at paghingi ng tawad sa pamilya.