Isang lalaking nahatulan ng kamatayan dahil sa pagpatay ang nakatakdang bitayin sa katimugang estado ng Alabama sa Amerika ngayong linggo gamit ang nitrogen gas, isang bagong pamamaraan na itinuturing ng United Nations na isang “torture” o pagpapahirap.
Si Kenneth Eugene Smith, 58, ay nasa death row nang mahigit tatlong dekada matapos mahatulan noong 1989 bilang murder-for-hire.
Bibitayin siya sa Holman Prison sa Atmore, sa loob ng 30-oras simula ala-1 ng umaga (Eastern Time) sa Huwebes (Biyernes sa Pilipinas).
Ang bitay ay sa pamamagitan ng nitrogen hypoxia na hindi pa ginagamit sa eksekyusyon sa Estados Unidos.
Mayroong 24 na pagbitay sa bansa noong 2023, lahat ng mga ito ay isinagawa gamit ang lethal injection.
Tinangkang bitayin si Smith noong 2022 sa ganitong paraan ngunit ito’y pumalya dahil hindi maiturok ang lason sa ugat niya ng dugo.
Ang huling pagbitay sa US gamit ang gas ay isinagawa noong 1999 nang ang isang napatunayang mamamatay-tao ay pinatay gamit ang hydrogen cyanide gas.
Ang Alabama ay isa sa tatlong estado sa Amerika kung saan inaprubahan ang paggamit ng nitrogen hypoxia bilang pagbitay. Sa nasabing paraan, magpapakawala ng nitrogen gas sa isang maskara na suot ng bibitayin at ito ang mag-aalis ng oxygen sa kanyang katawan hanggang sa siya’y hindi na makahinga.
Si Ravina Shamdasani, isang tagapagsalita para sa tanggapan ng mga karapatang pantao sa United Nations sa Geneva, Switzerland ay humimok sa Alabama noong nakaraang linggo na talikuran ang planong pagpatay kay Smith gamit ang nitrogen gas.
Sinabi ni Shamdasani na maaari itong “katumbas ng tortyur o iba pang malupit, hindi makatao o nakababahalang pagtrato o pagpaparusa, sa ilalim ng internasyonal na batas sa karapatang pantao.”
Si Smith ay nahatulan ng pagpatay kay Elizabeth Sennett, asawa ng isang pastor noong 1988.
Ang asawa ng biktima na si Charles Sennett ang nag-ayos ng pagpatay ngunit nagpakamatay rin isang linggo pagkatapos ng pagpatay sa kanyang asawa.
Umapela si Smith sa Korte Suprema ng US para sa pagtigil ng pagpapatupad ng bitay ngunit tinanggihan ng pinakamataas na hukuman ng bansa ang kahilingan noong Miyerkules nang walang komento.
Ipinagtanggol ng estado ng Alabama ang bagong paraan ng pagbitay at sinasabing ito “marahil ang pinakamakataong paraan ng pagbitay.