Sinisi ng Rusya ang Ukraine sa pagbagsak at pagsabog ng eruplanong militar na may sakay umanong mga bihag na Ukrainian nitong Miyerkules.
Sinabi ng ministeryo ng depensa ng Rusya na ang mga pwersang Ukrainian sa rehiyon ng Kharkiv ang tumira ng dalawang missile na tumama sa transport plane na IL-76 ng Rusya na ikinasawi ng 65 bihag na sundalong Ukrainian pati na ang anim na tripulante nito at tatlong escort.
Inihahatid umano ang mga bihag upang ipagpalit sa mga bihag na Ruso ng Ukraine.
Kinumpirma ng Kyiv na nakatakda ang palitan ng mga bilanggo sa Miyerkules, ngunit ilang oras pagkatapos ng pagbagsak ng IL-76 ay walang ibinigay sa kanilang impormasyon sa mga pasahero nito.
Nanawagan si Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine ng internasyonal na imbestigasyon sa nangyari.
Ipinakita sa mga video sa social media ang pagbagsak at pagsabog ng eruplano sa rehiyong Belgorod ng Russia.
Ayon kay Zelensky, ang Russia ay “naglalaro sa buhay ng mga bilanggo ng Ukraine, sa damdamin ng kanilang mga kamag-anak at sa mga damdamin ng ating lipunan.”
“Kailangan nating itatag ang lahat ng malinaw na katotohanan, hangga’t maaari dahil naganap ang pag-crash ng eroplano sa teritoryo ng Russia,” aniya.