Inihayag ni Pastor Apollo Quiboloy ng religious group na Kingdom of Jesus Christ na hindi umano siya haharap sa pagdinig ng Senado kahit pa padalhan siya ng subpoena na may kaugnayan sa alegasyon ng mga nagpakilala na dati niyang miyembro na kaniya umanong inabuso.
Sa isang video, pinasinungalingan ng religious leader ang mga akusasyon laban sa kanya ng mga testigong humarap sa pagdinig ng ng Senate committee on women and children na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros.
Nitong Martes ay inakusahan si Quiboloy ng pang-aabuso ng mga dati umano niyang miyembro, na dalawa sa kanila ay mula sa Ukraine.
Pero ayon kay Quiboloy, wala umanong katotohanan ang mga alegasyon laban sa kanya.
“Kahit sino puwedeng gumawa ng ganong alegasyon. Sapagkat wala naman silang sasagutin pa kasi under sila sa inyong Senate hearing. After ng hearing na iyan talagang mananagot po sila sa batas, sa mga false allegations lalo na ang reputasyon ko po ang nakataya dito,” sabi ni Quiboloy.
“Lahat ng mga false accusations na ginagawa pa, kahit sino puwede kayong pumik-up ng isang witness at pagkatapos tabunan ang mukha, pagkatapos gawin ninyong alias, kahit ano na lang ang pinagsasabi niya doon, wala ba siyang sasagutin?” dagdag niya.
Ayon kay Quiboloy, handa niyang sagutin at harapin ang mga nag-aakusa sa kaniya sa “court of law.”
“Kahit 100 pang witnesses ang inyo pong bayaran I will face you anytime, anywhere in a court of law. Just do it and I will face you anywhere, anytime in a court of law. If you cannot do that then you are all bogus, you are all false and you don’t deserve my respect,” saad ni Quiboloy.
Samantala, kinuwestiyon naman ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio ang ginagawang pagdinig ng komite na kontrolado ni Hontiveros.
“Walang makapagkuwestiyon sa kaniya, she cannot be held in any other place liable for any of her acts. Walang right to counsel doon na magsalita yung counsel,” ayon kay Topacio.