Isang pampasaherong bus na nawalan umano ng preno ang umararo sa isang pampasaherong jeep, isang motorsiklo, mga tricycle at isang van na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng 26 iba pa sa isang kalsada sa Dinalupihan, Bataan nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa paunang ulat, nangyari umano ang insidente sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue sa Barangay Bangad at matapos ang aksidente ay natugunan naman ng mga emergency personnel at ginamot ang mga sugatang pasahero at dinala sila sa ospital.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nagmula ng Pampanga at papuntang Olongapo City ang pampasaherong bus nang araruhin nito ang isang motorsiklo, dalawang tricycle, isang L300 van, bago nito salpukin din ang isang pampasaherong jeep sa kabilang lane.
Nanggaling naman sa Olongapo ang jeep at papunta na sa Bataan.
Ayon pa sa pulisya, sa lakas umano ng banggaan ay tumagilid ang jeep habang dumiretso sa gilid ng kalsada ang bus at nabangga nito ang poste ng ilaw at sumalpok sa bubong ng isang tindahan.
“Bago sila nagsalpukan ng jeep na ito na nakahilata, nakahagip muna ng isang motorista, itong single na motor. Kitang-kita doon sa gilid at nakahagip din ng 2 tricycle. Bago siya umabot dito at nagsalpukan, doon na nasadsad ng ating bus,” saad ni Ronald Española, tanod sa Barangay Bangal.
“Mabilis ang kanyang paandar, talagang mabilis na ang pagdating niya sa Olongapo,” dagdag niya. “Accident-prone talaga itong ating lugar.”
Samantala, iginiit ng 54-anyos na bus driver na nawalan siya ng preno kaya nag-overtake siya sa isang sasakyan pero hindi niya umano inasahan na may makakasalubong siya na jeep.
“Hindi ko na matandaan, nag-gewang-gewang na ‘yun eh, hindi ko matandaan ano ang nauna,” sabi ng driver at dagdag niya, sinabihan niya ang kundoktor na nawalan na sila ng preno.
“Sabi ko nawalan tayo ng preno. Tapos pumunta sa likod ‘yung kunduktor ko. Humawak muna, hindi ko alam kung anong nabangga ko o ano,” sabi ng bus driver na mahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to properties.