Inihayag ni Vice President Sara Duterte na bagama’t wala pa siyang nakukuhang kahit anong dokumento na nagsasabing siya ay kalahok sa imbestigasyon ng International Criminal Court kaugnay sa madugong war on drugs noong administrasyon ng kanyang ama ay handa siyang harapin ang mga ito.
“Wala pa ‘kong natatanggap na document na secondary respondent ako sa ICC. But in any event, handa naman na ang mga lawyers na gumawa ng hakbang kung sakali man na merong ganon,” saad ni Duterte.
Ayon pa kay VP Sara, handa umano ang kanyang mga abugado na gumawa ng hakbang sakaling masangkot siya sa imbestigasyon ng ICC.
Ang mga naging pahayag ni VP Sara ay may kaugnayan sa sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes na malapit ng maglabas ng warrant of arrest ang ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang sangkot sa extra-judicial killing.
Ibinunyag din ni VP Sara na hindi pa nila napag-uusapan ng kanyang ama ang tungkol sa ICC pero ayon sa kanya, alam naman daw nito ang gagawin dahil isa umano itong abogado.
“Hindi. Hindi kami nagkikita at hindi kami nag-uusap ni Former President Duterte,” saad ni VP Sara. “I’m sure alam na niya ‘yan kung anong gagawin niya kasi he’s a lawyer as well.”
Kung matatandaan, sinabi ni VP Sara na haharapin niya ang mga akusasyon na may kinalaman siya sa Davao Death Squad kahit pa lumutang lamang ang mga alegasyon nang maupo na siya bilang Bise Presidente.
“Haharapin ko ang anumang akusasyon laban sa akin. But I will only face any charge against me before a Filipino judge — and only before a Filipino court,” saad ni VP Sara.
Samantala, aminado naman si Senator Ronald dela Rosa na takot siyang makulong at nababahala dahil kawawa umano ang kaniyang mga apo na hindi niya makikita kapag nangyari ito at ikulong siya sa The Hague sa The Netherlands kung saan nakabase ang ICC na nagiimbestiga sa war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Ginawa ng senador ang pahayag sa gitna ng mga espekulasyon na nasa Pilipinas na ang mga imbestigador ng ICC.