Aminado ang aktres na si Kris Bernal na parang naging phase sa buhay niya ang “drastic makeover” na kanyang naranasan noong nasa “Starstruck” pa siya na nagviral uli after 16 years.
Sa isang panayam, sinabi ni Kris na talagang ikinagulat niya nang magtrending ang kanyang larawan noong nagsisimula pa lamang siya sa showbiz.
“Nagulat nga po ako na nag-viral, actually gusto kong mag-react nung time na ‘yon kaya lang talagang very focused ako kay baby. Ayoko ko pang manggulo ng social media,” sabi ni Kris.
Dagdag pa niya, excited siya noong una dahil iba raw ang naiisip niyang magiging resulta ng kanilang makeover.
“Very excited ako noong una, kasi ever since long hair talaga ako, ayoko ng nagpapagupit. So akala ko iku-curl perm ako,” sabi ni Kris at nang matapos ang makeover ay hindi niya napigilang mapaiyak dahil hindi umano siya sanay na magupitan nang mahaba.
“Nagulat ako sa lahat ng Starstruck contestants, sa akin ang pinaka-drastic talaga ang makeover,” sabi ni Kris at dagag niya, mas pinili na lang niyang magkunwaring nagustuhan niya ang nangyari sa takot na matanggal at hindi matuloy ang pangarap na maging artista.
“Bilang ano… bawal akong umangal, baka maligwak ako kapag umangal ako. So talagang iyak ako, iniyak ko na lang talaga. Kunwari happy ako, ngumingiti-ngiti na lang ako, pero hindi ko talaga gusto ‘yung hair ko,” sabi ni Kris.
“Wala akong magawa sa buhok ko. Walang magawa, hindi mo makulot, hindi mo malagyan ng hair extensions.”
May naging magandang bunga naman ito dahil si Kris ang nagwagi at itinanghal siya bilang Ultimate Loveteam kasama si Mart Escudero.