Inihayag ni Cagayan de Oro City Second District Representative Rufus Rodriguez na tinatanggap nito ang pagbabago ng puso o change of heart ng mga senador sa Charter Change.
Ayon kay Rufus na siya ring chairperson ng House committee on constitutional amendments, kung seryoso ang Senado dapat i-target tapusin ang pagsisikap na ito bago ang holy week break ng Kamara sa Marso 23, 2024.
Kumpiyansa rin si Rodriguez na kaya nilang tapusin ang Charter Change sa buwan ng Marso at dagdag niya, mahalaga umano na ang mga mahigpit na probisyon sa ekonomiya ng Saligang Batas ay maisaayos sa paraang makaakit ng mga dayuhang pamumuhunan, na lilikha naman ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kita para sa mga Pilipino.
Giit pa ng mambabatas, sa halip na mag-aksaya ng oras na makakita at matakot sa mga multo at ang no elections na mga senaryo na wala sa patuloy na people’s initiative, dapat makipagtulungan sa Kamara ang mga senador para sa mga pagbabago sa mga probisyon sa ekonomiya na maaaring mapagaan ang panggigipit ng ating mga tao para kumilos sa Charter reform.
Binigyang-diin ni Rodriguez na panahon na para amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.