Naaresto ang isang babae na sangkot umano sa pananalisi at pananakit sa biktima niyang Korean national sa BGC, Barangay Fort Bonifacio, Taguig City nitong nakaraan.
Batay sa ulat mula sa Fort Bonifacio Police Substation 1, naghihintay na makatawid sa pedestrian ang mga dayuhan, nang bigla silang sabayan at ipitin ng grupo ng kawatan.
“Naghihintay po sila doon sa traffic light na mag-stop para makatawid and si victim natin, may kausap sa cellphone and then, bigla siyang tinulak nung lalaki na suspek galing sa likod tapos ‘yung tatlong babae na pinalibutan sila, tinulak din siya galing sa harapan,” ayon kay PCpt. Rizalie Tadeo, Deputy Commander, Fort Bonifacio Police Substation 1.
“Na-outbalanced ‘yung ating victim, natumba. Pagkatayo niya, doon niya na-noticed na wala na pala ‘yung sling bag niya,” dagdag niya.
Nakita ng Korean nationals ang isang suspek at sinundan nila ito hanggang sa may parking lot kung saan nagkaroon ng komosyon at agad namang rumesponde ang marshal ng BGC at nahuli ang isa sa mga suspek.
“Kasagsagan ng traffic saka ang daming taong tumatawid. Naabutan po namin sa parking. Sabi ng Koreano, ‘yung kamay niya kinagat daw ng mga suspek,” ayon kay Nhor Sandigan, marshal ng BGC. “Napaka-agresibo niya. Minumura pa nga kami.”
Dinala nila sa presinto ang suspek na positibong itinuro ng mga biktima.
Paliwanag ng suspek, nagawa niya lamang ito dala ng pangangailangan pero itinanggi niya ang pangangagat sa biktima at sinabing umawat lang siya.
“Nagawa ko lang ho ‘yun para sa anak ko. ‘Yung kasama ko po baga ang kumagat sa kanya hindi ho ako. Pustiso ho ‘yung ngipin ko,” depensa ng suspek.