Umabot sa walong katao ang nasugatan matapos magbanggaan sa kalsada ang limang sasakyan at isang motorsiklo sa Mambugan, Antipolo nitong Martes.
Base sa paunang ulat mula sa Antipolo Disaster Risk Reduction and Management Office, binangga ng isang bus ang pampasaherong jeep, school bus, dump truck, motorsiklo at media van bandang alas-6 ng umaga.
Ayon naman sa driver ng bus na si Joseph De Pedro, nawalan umano ng preno ang kaniyang minamanehong bus kaya nabangga nito ang mga nasabing sasakyan.
Agad isinugod sa ospital ang mga pasahero.
Bumigat ang traffic sa lugar dahil sa insidente, bago tuluyang nahatak ang mga sasakyan alas-8:30 ng umaga.