Inihayag ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na padadalhan umano ng subpoena si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa hindi niya pagsipot sa imbestigasyon ng komite kaugnay sa mga alegasyon laban sa pinamumunuan niyang religious group na Kingdom of Jesus Christ.
Ayon sa chairperson ng komite na si Senador Risa Hontiveros, nakapagpadala na umano ng dalawang imbitasyon ang Senado pero hindi pa rin umano sumipot si Quiboloy.
Dagdag pa ng senadora, nagpadala ng sulat si Quiboloy kay Senate President Juan Miguel Zubiri. Hindi binanggit ng senadora ang detalye ng sulat pero inilagay umano ito sa “record” ng Senate committee.
Kung matatandaan, inaakusahan ang KOJC na sangkot sa large-scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence, at child abuse.
Iniutos din ni Hontiveros na padalhan ng imbitasyon ng tatlo pang tao na nabanggit sa testimonya ng mga biktima sa isinagawang pagdinig.
Disyembre nitong nakaraang taon nang maghain ng resolusyon si Hontiveros upang paimbestigahan “in aid of legislation” ang KOJC para masuri “whether our updated human trafficking laws are able to cover large-scale and systemic acts of trafficking done under the cover of a religious organization.”
“Apollo Quiboloy, who styles himself as the ‘Appointed Son of God and the leader of the Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name (KOJC)’, allegedly demands strict obedience from his full-time followers through brainwashing, psychological manipulation and constant threats of eternal damnation,” saad ni Hontiveros sa resolusyon.
“Considering that the crimes were committed within the territorial jurisdiction of the Philippines and considering that crimes are taking place even at present as Quiboloy remains free to run operations of KOJC, it is imperative that an investigation be undertaken with dispatch,” dagdag niya.