Inihayag ng mga otoridad na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng dalawa sa mga suspek sa pagpugot sa isang security guard sa binabantayan niyang car dealership sa Quezon City noong Pasko.
Batay sa mga paunang ulat, sinabi ng mga otoridad na isa ang pagnanakaw sa naging motibo sa pagpatay sa biktima.
Kinilala ang mga suspek na sina Michael Caballero at Jomar Ragos, na katrabaho ng biktimang si Alfredo Tabing at ayon kay Police Major Don Llapitan, chief, CIDU-QCPD, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pinagnakawan ng mga suspek ang car dealership.
“Noong December 23 kasi, nakapagbenta yung agent diyan ng dalawang sasakyan, so as empleyado diyan malalaman mo ‘yan. Lalo na yung isa ay driver at yung isa naman ay barista yung suspek natin dyan,” sabi ni Llapitan.
May testigo umano na nakakita at nakakilala sa dalawang suspek na may kasamang dalawa pa na buhat ang maliit na vault ng kumpanya noong gabing mangyari ang krimen.
May laman na P3.5 milyon umano ang nasabing vault.
“Sa ating assessment, maaaring ayaw ng guwardiya or pinigilan niya yung krimen na gagawin, kasi kakilala niya e, siguro nagtiwala siya, kaya walang struggle kung saan siya namatay at walang force entry,” dagdag ng opisyal.
Tinutugis na umano ng pulisya ang mga suspek.