Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes na hindi niya kinikilala ang hursidiksyon ng International Criminal Court sa Pilipinas at sinabi pa niya na isang banta ang ICC sa soberenya ng bansa.
“Let me say this for the 100th time, I do not recognize the jurisdiction of ICC in the Philippines. I do not, I find, I consider it as a threat to our sovereignty,” saad ni Marcos sa isang panayam.
“Therefore, the Philippine government will not lift a finger to help any investigation that the ICC conducts,” dagdag niya.
Pero nilinaw ng Pangulo na maaari umanong bumisita sa bansa ang mga imbestigador ng ICC bilang mga ordinaryong turista pero mahigpit na babantayan ang kanilang mga aksyon at mga pakikipag-usap sa mga ahensya sa bansa.
“Pero hindi kami tutulong sa kanila. In fact, binabantayan namin sila, making sure that hindi sila, they do not come into contact with any agency of government, and if they are contacting agencies of government, na sasabihin ng whatever, pulis man, local government, ‘wag niyong sasagutin. Iyon ang sagot natin,” sabi ni Marcos.
“We do not recognize your jurisdiction, therefore we will not assist in any way, shape, or form, in any investigation that the ICC is doing in the Philippines,” dagdag pa niya.
Ang mga naging pahayag ng Pangulo ay kasunod nang pahayag ni Senador Ronald dela Rosa kung saan tinanong ng senador kung pinayagan ba ng administrasyong Marcos na makapasok at mag-imbestiga ang ICC sa bansa.
Nitong Lunes naman ay inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakapasok at nag-imbestiga na umano ang ICC sa bansa Disyembre nang nakaraang taon at maaari na umanong abangan ang isang warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Dagdag pa ni Trillanes, nakapag-interview umano ang mga ICC probers sa ilang mga indibidwal.