Iniulat ng Department of Foreign Affairs nitong Martes na inaalam na ng Philippine Embassy sa Japan kung totoo ang mga balitang may isa pang Pilipino na naaresto doon kaugnay kaugnay sa dalawang bangkay na nadiskubre sa nasabing bansa.
Ayon kay DFA DFA Undersecretary Eduardo de Vega, wala pa silang impormasyon kaugnay sa naturang pagkakadakip ng isa pang Pinoy.
“Mayroon din lumabas na balita sa Japan, chini-check pa ng Embassy, na may hinuling pangalawang Filipino na nakita rin sa CCTV,” sabi ni De Vega.
Batay sa mga paunang ulat, isang Pinay na kinilalang si Hazel Ann Baguisa Morales ang inaresto ng mga otoridad dahil sa hinala na iniwan niya ang mag-asawang biktima na sina Norihiro Takahashi at Kimie.
Nakita ang mga bangkay ng mag-asawa sa isang bahay sa Adachi Ward.
Pero nilinaw ni De Vega na inaresto lang si Morales dahil sa alegasyon ng pag-iwan sa mag-asawa.
“Huwag natin sabihin na siya ay inaakusahan ng nakapatay. Wala pa tayo doon sa situation na iyon,” sabi ni De Vega at dagdag niya, may kaparusahan na hanggang tatlong taon na pagkakakulong ang nag-aabandona sa bangkay sa Japan.
Batay sa ulat ng The Japan Times, dating nakaka-date ni Morales ang anak ng mag-asawang biktima, na nasa edad na 30’s, at nakatira sa kaniyang mga magulang.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilan ng pagkamatay ng mag-asawa, at kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito kay Morales.
Bukod kay Morales, nakasaad sa ulat na hinihinala ng mga awtoridad na may isa pang sangkot sa insidente.
Inihayag naman ng Department of Migrant Workers na magkakaloob sila ng legal na tulong sa Pinay, kasama ang ibang ahensiya ng pamahalaan.
“We are already geared up to provide legal assistance,” ayon kay DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac. “We’re in coordination with the Japanese authorities that we intend to provide such legal and other forms of assistance to her.”