Sa gitna ng selebrasyon ng Pista ng Santo Niño sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng gabi ay nagkaroon ng rambulan sa pagitan ng ilang gurpo ng mga kabataan kung saan nagkabatuhan pa ng mga bote at upuan sa gitna ng kaguluhan.
Batay sa ulat, lima ang nasaktan sa insidente at base sa mga kuha ng CCTV, makikitang isang grupo ng lalaking naka-blue na T-shirt ang dumating sa lugar at hindi nagtagal ay nagkagulo na hanggang sa dumating ang mga pulis.
“Nanghamon po talaga. Makikita po sa CCTV na tamang-away na sila,” ayon sa asawa ng isa sa mga sugatan, tungkol sa mga naka-blue na lalaki.
Dagdag naman ng isang nasangkot sa rambulan, bukod sa tama tama ng bote ay tinangka pa siyang saksakin ng mga suspek.
Hindi raw bababa sa lima sa kanilang kapitbahay at kaanak ang nasugatan sa gulo, ayon sa mag-asawa.
Ayon sa barangay officials, hindi residente ng lugar ang mga lalaking naka-blue na T-shirt na hindi na inabutan ng mga rumespondeng otoridad.
Sa ibang balita, hinuli ng mga awtoridad ang 101 na menor de edad sa Payatas dahil sa paglabag sa curfew ordinance ng Quezon City.
Ang ilan sa kanila ay nahuling nag-iinuman, walang damit pang-itaas, o pakalat-kalat sa kalsada, kaya dinala ng mga tauhan ng pulisya at barangay ang mga menor de edad sa Payatas Covered Court.
Dito sila prinoseso at ipinatawag din ang kanilang mga magulang.