Isang negosyanteng Chinese ang nasagip ng mga otoridad mula sa mga umano’y nagtangkang dumukot sa kanya sa Pasay City nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa mga ulat, nagpakilala umano ang isa sa apat na mga suspek bilang isang dating pulis subalit nang beripikahin ng mga otoridad, lumabas na hindi ito totoo, ayon kay Pasay City Police Station officer-in-charge PCol.Mario Mayames Jr.
Sinabi nama ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. na naaktuhan ng Pasay City police ang tangka umanong pagkidnap sa 35-anyos na Chinese businesswoman sa Roxas Boulevard bandang 7:30 ng umaga.
Dagdag pa ng PNP chief, nagkaroon pa umano ng kaguluhan habang pilit na isinasakay sa sasakyan ng mga suspek ang biktima kaya agad umaksiyon ang mga pulis.
Narekober sa mga suspek ang isang Land Cruiser Prado, isang revolver paltik, limang live ammunition ng cal. 38, tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, dalawang kutsilyo, tatlong handheld radio, duct tape, at martilyo.
Nahaharap ang mga suspek sa patong-patong na mga kaso.