Iniulat ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. na anim na pulis mula sa kanilang hanay ang nagpositibo sa paggamit ng illegal na droga sa unang kalahati ng buwan ng Enero ng taong 2024.
Ito ay kasunod nang isinagawang random drug testing sa 4,613 na mga indibidwal na miyembro ng PNP mula noong Enero 1 hanggang Enero 18, 2024, na kinabibilangan ng nasa 4,517 uniform personnel, at 97 non-uniform personnel.
Ang nasabing aktibidad ay kabilang sa programa ng PNP na linisin ang kanilang hanay mula sa mga tiwaling pulis.
Ayon kay Acorda, mula sa anim na mga indibidwal na nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot maging sa confirmatory tests, lima dito ang nagmula sa National Capital Region Police Office, at isa naman ang nanggaling sa Eastern Visayas.
Kinabibilangan ang mga ito ng isang police staff master sergeant, isang police staff sergeant, isang police chief master sergeant, at tatlong patrolman na pawang agad na sinibak sa puwesto.
Giit pa ni Acorda, hinding-hindi niya kukunsintihin ang sinumang tiwaling miyembro sa Pambansang Pulisya at tiniyak niyang mapapatawan ng kaukulang kaso ang mga pulis na masasangkot sa ganitong uri ng mga maling gawain.