Libo-libong mga namamanata at mga deboto ng Santo Niño ang nagdiwang nitong Linggo sa buong kapuluan para sa Pista ng Mahal na Santo Niño at maging sa Tondo, Maynila ay naging makulay rin ang selebrasyon.
Sunod-sunod na misa ang nagpasimula sa kapistahan habang nagsimula na rin ang mga prusisyon.
Dumagsa ang mga deboto ng Santo Niño sa Tondo Church, alas-3 pa lang ng madaling araw para dumalo sa Misa at Maringal na Prusisyon.
Umarangkada ang prusisyon ng alas-4 ng madaling araw, kung saan iba’t ibang karosa ng mga Santo Niño ang sumama sa prusisyon.
Nakalagay ang imahen sa isang acrylic glass at nakasakay sa malaking karosa na punong-puno ng mga bulaklak.
Ang ilang debotong sumama sa prusisyon ay may dala-dalang sariling karosa kung saan nakalagay ang imahen ng Santo Niño habang ang iba naman bitbit lang ang kanilang imahen.
Samantala, kasama din sa prusisyon ang ilang tauhan ng Manila Police District habang nakaantabay naman ang ibang police sa bawat ruta ng dadaanan ng prusisyon para matiyak ang peace and order ng lugar
Tinatayang aabot sa mahigit 1,500 police personnel ang ipinakalat ng Manila Police District upang matiyak ang peace and order ng mga deboto at maging ng mga bisita sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Niño de Tondo.
Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna sa PNP na walang mga untoward incidents ang maitala sa pagdiriwang ng pista habang siniguro naman ni Manila Police District director Police Brig. General Arnold Thomas Ibay na nakalatag ang kanilang security plan.
Ayon kay Ibay, visible ang presensiya ng kaniyang mga tauhan partikular sa mga ruta ng gaganaping tradisyunal na prusisyon na “Lakbayaw” bilang pagbibigay seguridad sa lahat ng dadalo rito.
Sa kabilang dako, ipinag-utos din ni Mayor Lacuna ang mga hepe ng ibat ibang mga departamento ng Manila City Hall para sa pagpapatupad ng mga polisiya, ordinansa, pagpapanatili ng kalinisan at kapayapaan sa kasagsagan ng selebrasyon.
Inatasan din ni Lacuna na kumilos ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, mga pampublikong ospital, Department of Public Services at City Engineering Office.