Isang pampasaherong jeep ang nang-araro ng mga pedestrian at motorista matapos itong mawalan umano ng preno sa Nagcarlan, Laguna.
Dalawa ang patay, kabilang ang isang batang dalawang taong gulang, at mahigit 14 ang sugatan.
Base sa ulat, naganap ang insidente 5 p.m. sa Barangay Poblacion Dos, kung saan mapapanood sa CCTV ang pag-andar ng jeep bago nito tumbukin ang isang e-bike at tricycle.
Isa ring lalaki na may dalang monoblock ang tumatawid, pero dito na siya nahagip ng paparating na jeepney.
Sumampa ang lalaki sa hood, hanggang sa makaladkad at nagulungan.
Napatigil lamang ang jeepney matapos itong bumangga sa isang establisyimento.
Agad namang nagsibabaan ang mga sakay na pasahero.
Nasawi ang dalawang taong batang sakay ng isang e-bike na si Sandra Margarette Arevalo, at 45-anyos na si Henry Audije, nanghiram lang ng upuan sa kabilang kalye para sa selebrsyon ng kaarawan ng ama.
Inilahad ng Nagcarlan Police na hindi bababa sa 14 ang sugatan, karamihan ay mga mag-aaral na pauwi mula sa paaralan.
Pitong sasakyan din ang nadamay sa banggaan.
Kinilala ang jeepney driver na si Dario Dorado, na sumuko sa Nagcarlan Police.
“Aksidente lang. ‘Yun lang masasabi ko. ‘Di ko sinasadya, ‘yun lang. Walang may gusto na mangyari ‘yun,” sabi ni Dorado.
Ayon naman kay Police Major Paul Raymund Ayon, hepe ng Nagcarlan Police, nalaman ng driver na nawalan siya ng preno nang may pumarang pasahero. Bukod dito, pababa rin ang kalsada kaya nagdire-diretso ang jeep.