Ang mga natutulog sa bangketa at kariton ang simbolo ng kahirapan sa lipunan. Sinasalamin rin nila ang kawalan ng malasakit at tulong sa kanila ng mga kinauukulan.
Sa utos ng pangulo na gawing institusyon ang programa ng Department of Social Welfare and Development na Oplan Pag-abot, inaasahan na mawawakasan na ang paghihirap ng mga walang tahanan sa pagpapalawig ng programa.
Inilunsad ng DSWD ang Oplan Pag-abot noong Hulyo at inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang executive order na ginagawang permanente ang programa nitong Huwebes. Layunin ng utos na tuloy-tuloy na isasagawa ng DSWD ang pagtulong sa mga naninirahan sa lansangan.
Maganda ang programa dahil mabibigyan ng maayos na buhay ang mga mistulang mga aliping lagalag. Mabibigyan sila ng tirahan o maibabalik sila sa kanilang tunay na tirahan sa probinsiya. Mabibigyan rin sila ng trabaho, tulong pangkalusugan at iba pang pangangailangan upang hindi na sila mamuhay sa labas lalo na ang mga bata at matatanda.
Nagkalat sa Maynila ang mga pamilyang naninirahan sa lansangan, nauulanan, naaarawan, walang palikuran, higaan, atbp. Kaya naman tama lamang na naglunsad ang DSWD ng programang Pag-abot upang sila’y matulungan. Ngunit hindi ito epektibo kung hindi tuloy-tuloy, kulang sa pondo at kulang sa tauhang magsasagawa nito.
Kung ang mga nagsisukong rebelde ay binibigyan ng kapital upang makapagsimula muli o ang mga tsuper ng jeepney na naapektuhan ng mataas na presyo ng krudo ay binigyan ng perang ayuda pambili ng gasoline para makapamasada, marapat lang na matulungan din ang pinakadukha sa ating bayan. Hindi naman sila magiging pabigat sa mga nagbabayad ng buwis dahil pansamantala lamang ang ayuda at sila ay tuturuang magsariling sikap.
Hindi biro at hindi madali ang programang Pag-abot ngunit sa pagbibigay ng dagdag na suporta dito ng pamahalaan ay malaki ang pagkakataon na ito’y magtagumpay. Darating rin ang panahon na wala nang makikitang nakatira sa kariton o natutulog sa bangketa na manipis na karton lamang ang sapin sa madumi, malamig at matigas na sahig.