Matapos ang higit isang dekadang pagtatago, natiklo na ang isang lalaki na sangkot umano sa pangho-holdap, pagpatay, at tangkang pagsunog sa kanilang biktima sa Masbate noong 2010.
Ayon sa mga ulat, isinagawa ng mga tauhan ng Regional Operations Unit ng Calabarzon Police ang operasyon sa isang liblib na bahagi ng Ibaan, Batangas, kung saan nagpanggap silang bibili ng panabong na manok.
Nang makumpirma na ang kanilang pakay, dito na nagpakilala ang mga awtoridad at pinosasan si Herminio Maldo.
Base sa Calabarzon Police, nasangkot si Maldo sa karumal-dumal na krimen sa Claveria, Masbate kung saan matapos holdapin ang kanilang biktima, pinatay nila ito at sinubukan pang sunugin ang katawan.
Una nang nadakip ang kasama ng suspek sa pagpatay, ngunit natagalan ang pagdakip kay Maldo dahil maliban sa paiba-iba ng tirahan, nagpalit din siya ng pangalan.