Kumikilos na ang Department of Transportation o DOTR at ibang ahensya ng gobyerno upang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa tumitinding trapiko sa National Capital Region.
Ginawa ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang pahayag kasunod ng ulat ng Tomtom International kung saan nanguna ang Metro Manila sa may pinakamalalang trapiko sa buong mundo.
Ayon sa kalihim, ang mga ginagawang transport infrastructure project ng pamahalaan ay kabilang lamang sa mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang lumalalang trapiko sa Metro Manila.
Kaugnay nito, patuloy aniya ang paghahanap ng creative na solusyon ang DOTr at pabibilisin ang mga transport infrastructure project sa bansa upang matugunan ang problema sa trapiko
Samantala, paiigtingin naman ng Land Transportation Office ang panghuhuli sa Pebrero uno hindi lang sa mga kolorum na jeep kundi pati rin sa mga hindi rehistradong sasakyan.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, mahaharap sa hanggang limang taong pagkakakulong at hanggang tatlong milyong pisong multa ang mga mahuhuling mapapatunayang kolorum.
Nasa sampung libong piso naman ang multa sa mga motorista na mahuhuling nagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan.
Sa datos ng LTO noong nakaraang taon nasa anim napu’t limang porsyento na mga sasakyan at motorsiklo sa bansa ang hindi rehistrado o katumbas ng 24.7 million.